NAPADAAN LANG
Saturday, July 15th, 2006Nakakapagod ang tumunganga. Sa kawalan, marami kang
maiisip.. marami kang itatanong sa hanging hindi naman magbabalik ng kasagutan.
Paminsa’y titingalain ang langit at aapuhap na lamang ng katahimikan ang iyong
kalooban ngunit wala namang kapayapaang matatamo. Pero iba ngayon, napadapo ang
mouse pointer ko sa isang sulok ng makabagong teknolohiya. Sa isang bahaging
maaari akong makipagusap sa sarili ko, sa kawalan at higit sa lahat.. sa
tumitingin ng blog ko.
Matagal na panahon na rin pala nung huli kong sinulyapan ang blog ko. Kusang
hinaluglog ng kaluluwa ko ang lugar na may makakausap.. at mabuti na lamang at
hindi ako binigo ng friendster. Namiss ko din pala ang sumulat. Kupas na nga
yata ang aking kakayahan sa pagsulat. Wala na ang dating ‘ghing’ na hinubog ng
panahon ang kamay upang magsaad ng nilalaman ng kanyang pinaghalong isip at
damdamin. Tinangay na ng mga numero.. ng differential equations, partial
derivatives, integration, matrix at kung anu-anung kumplikadong bagay ng agham
ang aking natatanging kakayahan. Nawalan na nga ata ng damdamin ang aking
pagsulat. Napalitan ng mga sinasabi nilang ‘technicalities’. Mantakin mo, kaya
kong mag-simulate sa aking dev c++ ng kung anu-ano.. kaya kong gumawa ng game
of life, ng lotto, ng m x n matix na gumagawa ng iba’t-ibang operations at iba
pa. Pero nakakatawang, hindi ko man lamang malagyan ng damdamin ang nais kong
isulat. Napakateknikal ko na nga yatang magsulat. Ibig bang sabihin nun,
teknikal na rin mag-isip ang puso ko? Nakakatawa naman. Hayy. Hindi ko alam. Sa
totoo lang walang tumatakbong kung anong ideya sa isip ko kung bakit ako
sumusulat. Basta, tuloy lang.. tipa pa sa keyboard. Sige lang.. hanggang may
mga salita pang maihahayag..
Naalala ko nung mga panahong ito nung nakaraang taon, hayyy. aplikante ako sa
instru. Hindi yon org., hindi din club. Tawag don, research laboratory. Bago
ako pumasok ng instru magaan pa ang buhay estudyante ko.. pede pang bigyan ng
oras ang mga kilig ‘moments’ ng mga kabataan. Hay ngayon, eto na ako.. busy
lage. Text nga sa cellfone hindi ko na magawang buksan eh. Kurap lang ng mata,
kain, ligo at tulog ang break ko.Pakiramdam ko tuloy tumatanda na talaga ako.
Nakakatawa, 20 na ako. Pero kung tratuhin pa rin ako ng tao parang bata lang na
naliligaw pag naglalakad sa kampus. Hayy… parang kelan lang.. kakagradweyt ko
lng ng hayskul. Excited pumasok dahil freshie. Tas ngayon, gurang nako. 4th
year standing (amazingly.) at hopefully ay makagraduate na nga next year ng on
time. Nga naman ang panahon, nagdadaan lang ang bawat araw na hindi mo
napapansin. Ang dami ko nang natutunan sa buhay pero yung buhay wala pa ring
natututunan sa ‘kin. Kelan kaya darating yung panahong ako naman ang
pakikinggan nila kesa sila ang pakinggan ko? Kelan kaya ako magiging isang
‘grown-up’ sa paningin ng mga magulang at kamag-anak ko? Haayy.. kelan kaya ako
magiging mas kapakipakinabang. Masarap siguro yung hinahanap-hanap ka ng tao
kasi importante ka.. hayyyayyayy…
Napapagod ang puso ko.. naghihingangalo na ang aking isip.. bumagal na ang tipa
ng aking mga daliri.. tinatawag na ng katapusan ang aking sinusulat…at bigla
na lamang nagnanais ang paghinto.